Pahimakas ni Eros

About Me

Sa huli lahat tayo'y magiging tuldok sa lapida ng alala... parang tuyong dahon na kakalas sa pinagkakawingan...

My Communities

your name:

url:

your message:

Entries for July, 2005

July 29th, 2005

Bata, Bata, Pan'no ka Ginawa?

Posted by journeyoferos at 02:34 AM on July 29, 2005.

Hindi ko na maalala kung sinong pilisopo ang nagsabing ang mga bata raw kailanman ay hindi nagsisinungaling.

Dati-rati'y aliw-na-aliw ako sa mga musmos na may mala-anghel na mukha lalo na kapag ipinapakita sila sa komersyal sa TV o diyaryo. Nakakainggit pagmasdan ang kamusmusan nila gayundin ang kakaiba nilang sensibilidad. Kaya nga kapag ipinatalastas yung TV ad ng isang baby lotion, hindi ko inililipat ang channel kahit na me inaabangan akong palabas sa kabila. O yung komersyal ng gatas na pilit inaabot nung bata ang gatas sa eskaparate. Hay, sarap talagang maging bata. Kapag nakikita ko sila, naaalala ko ang aking kamusmusan, nung wala pa akong ibang alam gawin kundi ang maglaro't magtatakbo sa palayan sa likod-bahay namin, umakyat sa bayabas o maglaro ng bahay-bahayan (paborito kong role ang baby kasi gusto kong lagi akong pinapamper).

Kaya siguro, masyado akong malapit sa bata. Gustong-gusto akong kalaro ng pamangkin kong 3 years old. Lalo na kapag nagpa-puppet show ako. Yun bang, hihiramin ko sa kanya lahat ng laruan niya tapos, bibigyan ko ng buhay ang mga iyon, gagawa ng istorya, lalapatan ng boses ang mga stuffed toys habang aliw na aliw siyang manood. At habang nasa kalagitnaan ako ng pag-arte, mataman siyang tititig sa 'kin na para bang nagtataka kung panong nag-iiba ang boses at anyo ng tito niya.

Naalala ko tuloy ang pamangkin ko. Si Ischia. Makulit. Pilya. Pero alam niyang bata siya. Lahat ng kilos niya ay pambata. Ang ibig kong sabihin, hindi siya yung tipo ng batang nag-aastang matanda katulad nung bata sa bagong komersyal ng Lucky Me pancit canton.

Hindi katulad nung pesteng bata na nakasabay ko sa dyip papuntang Harrison Plaza. Hindi ko sana nakita ang batang 'yon kung hindi bumaba ang manong dun sa skul tapos sumakay yong mag-ina. Pagkasakay ay nag-iingay na kaagad ang batang sa tantya ko ay mga pitong taon gulang. Nag-aalburuto. Naisip kong natural lang naman yun sa bata lalo na kung hindi nakuha ang gusto o gutom o inaantok. Pero sa kaso ng batang iyon, hindi ordinaryo. Dahil hindi tama yung ginagawa niya sa nanay niya. Hindi ako nag-i-eaves drop pero likas na malakas ang boses ng bata.

"Sabi na kasing huwag bilhin yung bag. Hindi ko naman gusto yun eh. Ba't mo ba binili, eh hindi ko naman gusto." Hindi magalang. Walang po at opo. Masyadong straight-forward.

Ang nanay, di sumasagot. Di sinasaway ang anak na tumahimik.

"Pano ngayon yan, may pambayad ka ba dun? Binili pa kasi alam namang hindi ko gusto. Sino magbabayad dito sa dyip" Walang umaawat sa bata kaya malaya siyang nakakapagsalita ng gusto niya. With matching padyak pa yun ng paa at pagtitig ng masama sa mga pasaherong tumitingin sa kanya.

Gusto kong busalan ng panyo ang bibig ng bata. Gusto kong sabihin sa nanay niya na hindi tamang ginaganun siya ng anak niya at hindi tamang kinukunsinti ang ugaling ganun. Gusto kong sisihin ang nanay ng bata dahil tila hindi nito nagagawa ng maayos ang responsibilidad niya bilang ina.

Patuloy pa rin ang bata sa kanyang 'pagsesermon' at patuloy akong nagngitngit dahil wala akong nagawa upang patahimikin siya.

Nang bumaba ako, hiniling ko sa itaas na sana'y wakasan na ang ugali ng bata.

Sa ganang akin, hindi lahat ng bata ay anghel. At lalo ng hindi lahat ng bata ay matapat o hindi nagsisinungaling.

Si Kenneth. Kapitbahay namin. Matagal ko na siyang nakikita't pinakikisamahan. Sa hitsura niya'y pag-aasta, talagang mae-engganyo kang makikipaglaro sa kanya. Sa dami ng kalokohan niya't kabulastugan na ginawa niya sa 'kin, gusto ko na siyang isumpa.

Hindi pa kasali rito ang iba kong karanasan sa mga batang hindi na dapat lumaki dahil baka sa paglaki nila'y magiging pasanin sila ng lipunan.

Kaya ngayon, hindi pa rin ako naniniwala na ang mga bata'y anghel sa lupa.

Pero paborito kong teleserye ang Mga Anghel na Walang Langit.

Buryong

Posted by journeyoferos at 07:34 AM on July 29, 2005.

Minsan, sa gitna ng pagka-buryong, me maalala ka na di mo alam kung bakit mo naalala eh hindi mo naman gustong maalala. Me nagsabi sa 'kin dati, naalala ko, o nabasa ko yata sa isang short story, na kapag biglaan ang pagdagsa ng sangkatutak na alaala, bilang na ang segundong ilalagi mo sa mundo.

Paano kaya kung dumating ang sandaling kagaya niyon? May kapasidad ba ang utak na mag-accommodate ng sanlaksang alaala? Kunsabagay, wala na yatang hindi kayang gawin ang utak. Siguro, parang projector slide ang makikita mo. Salitan ang pagpalit ng mga imahe. Sentimental siguro yun.

Nakakaiyak siguro. Lalo na kapag nakita mo ang mga taong hindi mo na maalala dahil ilang dekada mo na silang di nakikita at parte sila ng iyong nakaraan. O kaya, makikita mo yung paborito mong laruan na hawak-hawak ng batang kamukha mo. O yung alaga mong aso na kumakawag-kawag ang buntot habang sumasalubong sa 'yo.

Kaya ba nagiging sentimental ang mga taong malapit nang mamatay?

Naalala ko yung sinabi ng kaklase ko sa college nang minsang napag-usapan namin ang tungkol sa kamatayan. Para sa kanya, okey lang daw na mamatay siya kung bago ang suot niyang panloob. Humalagpak kami ng tawa. Kasi daw, nakakahiya sa mag-eembalsamo kung luma ang panty niya. Sa ibang sabi, dapat maganda kapag mamatay.

Ayokong pinag-uusapan ang kamatayan.

Nabuburyong lang ako. Hindi kaya, matinding pagkabagot ang nagtutulak sa ibang tao upang magpakamatay?

Mabuti na lang, wala akong nakikitang lubid o matalim na bagay.

Pero nasa ika-sampung palapag ako ng building.

July 30th, 2005

Mani, Gusto Mo?

Posted by journeyoferos at 10:25 AM on July 30, 2005.

Leche.

Kanina pa ko rito pero wala akong maisip na maisulat. Ah, siguro gutom lang ako. Sabi ni Jourdan Sebastian, hindi po siya paham o writer, instructor ko siya sa acting workshop, sa sikmura raw nanggagaling ang creativty. Nung una kong marinig yun sa kanya, sumakit ang ulo ko kasi hindi ko maintindihan ang esensya nun. Ang una kong hinala, gagana ang creativity ng isang tao kapag puno ang kanyang tiyan na may scientific basis naman kung tutuusin.

Kaya pala, binibilhan ako lagi ng nanay ko noon ng mani tuwing me exam ako. Pampatalino daw. Libong butil na rin siguro ng mani ang nadurog ng bituka ko bago ko nalamang hindi pala totoo 'yun. Tuloy, sinisi ko ang nanay at kung sino man ang nagsabi sa kanya na intelligence enhancer ang mani, nang magsimula akong tubuan ng tagiyawat sa mukha.

Pero nang mapansin kong taon-taon akong umaakyat sa stage para kunin ang medalya ko, gusto ko na silang paniwalaan. Hinintay ko nga na sabihin sa kin ni nanay na "O kitam, di ba totoo ang sinasabi ko. Pampatalino talaga ang mani."

Nang maghayskull ako at sumapit ang unang periodical exam, agad ko na siyang inunahan na huwag nang bumili ng mani dahil masasayang lang. "Bakit, baka bumagsak ka sa test bukas."

At kagaya ng dapat kong asahan, naka-ready na sa sala ang mani pagdating ko galing skul. Naisip kong itapon 'yon habang wala si nanay pero naisip kong sayang naman ang perang ipinambili niya dun kaya tinawag ko ang kapit-bahay namin, si Kolokoy, at binigay ang isang supot ng mani sa kanya. Nagulat pa nga siya at tinanong kung me lagnat daw ba ako kasi dati-rati'y luluha muna siya ng dugo bago ko siya bibigyan. "Sawa na 'ko sa mani."

Kinabukasan, pinagalitan ako ni nanay kung bakit ko pinambigay ang mani. Kinonsensya pa 'ko na kesyo sayang ang perang ipinambili niya dun. Siyempre, na-guilty ako sa sinabi niya pero ang pinagtakhan ko ay kung paano niya nalaman na di ko kinain ang mani. Si Kolokoy din mismo ang nagsabi sa kin na inalok pala niya si nanay ng mani nang magkasalubong sila sa kanto at ipinagmalaki pa rito ang kabaitan ko. Mula noon, hindi ko na siya binigyan ng mani dahil hindi na rin ako binilhan ni nanay. Na ikinatuwa ko naman. Siguro naisip na rin na kung talagang matalino ang anak niya, hindi na nito kailangan ng mani.

"Nay, mani lang sa 'kin yan," lagi kong pagmamalaki sa kanya tuwing iaabot ko ang card na sagana sa nobenta.

"Dapat lang na magsikap ka para di tayo habambuhay na ganito." Pag ganon na ang mga hirit ni nanay, may kung anong bugso ng sentimentalismo ang bumubuhos sa 'kin. Gusto kong maiyak.

Naiyak si nanay, alam ko, nang malaman niyang grumadweyt ako sa college pagkatapos ng apat na taong pagsisikap nila upang mapag-aral ako.

"Sabi ko naman senyo eh. Mani lang 'to." Ibig ko ring maiyak dahil hindi biro ang sakripisyo nina nanay para lang makapag-aral ako.

"Nay puwede na ba akong kumain ng mani?" Nagtaka si nanay kasi mag-iisang dekada na akong di kumakain ng mani.

Ngumiti si nanay. Marahil nakuha niya ang ibig kong sabihin.

Ngayon, hinihintay ko na lang na me butil ng magandang klase ng mani na lalapit sa kin. Pag nangyari 'yon, di na ko magpapaligoy-ligoy pa, tutukain ko na agad.