Kumbersasyon
Posted by journeyoferos at 04:14 AM on August 4, 2005.
Ganun lang talaga siguro 'yun.
May mga oras na kakaiba. Di mo maintindihan. Basta mo na lang maiisip na kakaiba kapag napansin mong hindi naman dating ganoon. Kaya alam mong talagang kakaiba.
Kahapon, paglabas ko ng opisina, weirdo ang palagay ko sa sarili ko. Weirdo, ayon sa sarili kong depinisyon at hindi ayon sa pakahulugan ng wordweb "suggesting the operation of supernatural influences" dahil sa pagkakaalam ko, hindi na uso sa Makati ang mga engkanto, diwata o tiyanak.
Kagaya ng dati, kasabay ko si Paolo sa pag-uwi, mula sa Valero St. sa Paseo de Roxas hanggang MRT Ayala Station. Hindi ko napansing ayoko palang makipag-usap kaya hindi ko nawarningan ang kaututang-dila ko na "Ops, huwag mo akong kausapin. Ayoko ng kausap" kaya nagpatuloy ang litanya niya mula Valero hanggang MRT. Pero in a fair view, hindi naman ako naging bastos dahil nagmukha naman siyang may kausap kahit kung tutuusin ay wala ako sa pisikal kong katauhan. Yun nga lang, abnormal ang takbo ng usapan. Dahil hindi ako tumutugon sa mga sinasabi niya, kinokontra ko lang, hinahanapan ng mali, hindi tinatanggap.
Kaya ayun, napansin niyang kakaiba ang kausap niya. At napansin ko rin pero hindi kong inamin na ganoon nga. Ang kakaiba, gayong alam niyang wala ako sa mood para makipag-usap, nagpatuloy pa rin siya sa pagkukuwento at pagtatanong. Kaya nung magkuwento ako, medyo nagtaka siya, at natuwa na rin marahil dahil may kasama pala siya. Yun pala'y kakaiba din siya.
Nang magkuwento ako tungkol sa buhay na di ko dapat ikuwento, sinupalpal niya ako. Daig pa na sinuntok ako sa sikmura, yung suntok na nakakadilim ng paningin. Pero tang-ina, di ako nakaganti. At marahil naisip niya na talo ako sa ginawa kong pananahimik.
Kakaiba rin kasi talaga 'tong Paolo na 'to.
Weird sa pinaka-weird. Sa unang sulyap, aakalain mong inosente ang pucha. Parang maamong pusa na nanghihikayat sa sinuman na hawakan ang makintab niyang balahibo at kapag nagkaroon ka na ng pagkakataon para gawin yun, tsaka siya manunuklaw, mangangagat, mangangalmot. At maiiwan kang nagtataka. Pagtatakhan mo kung pano'ng nakakasilo ang maamong katauhan.
Ganun lang talaga yun. May mga taong kagaya ni Paolo. At may mga taong kagaya ko. Nakakapagtaka man pero ganun lang talaga yata yun: may mga nilalang na nagkakasundo sa kabila ng kaibahan.
Libangan niya ang pagsipat sa mga puwet. Kung malalaman mo 'to't makikilala mo siya, 'pag tiningnan mo siya sa mukha, mababanaag mo sa kanyang balintataw ang sangkatutak na puwet, yung front-view, puwet na front-view kasi 'pag sinabi kong back-view iba na yun. Kaya siguro madaming tumitingin sa kanya dahil yun ang makikita sa kanya.