PUYONG*
(Hulyo 5, 2004)
1. Int. Bahay nina Antoy. Hapon
Nanonood ka ng pelikulang inggles kasama ng mga kaibigan mong mas matanda sa ‘yo ng tatlong taon. Halos hihimatayin na sila sa katatawa. Si Noni, hinahampas-hampas pa ang sariling hita habang humahalakhak. Si Antoy, halos hindi na maimulat ang mata sa katatawa. At si Mando, nagrereklamong sumasakit na ang tiyan. Samantalang ikaw ay hindi mapakali sa iyong kinauupuan. Pasimple mong kukunin ang unan at ipapatong iyon sa iyong kandungan. Makikitawa ka na rin kahit di ka natatawa dahil sa katotohana’y nag-iinit ang iyong pakiramdam. Comedy ang palabas na Scary Movie 1 pero tinitigasan ka. Naiinitan ang mga kasama mo dahil sa walang humpay na pagtawa. Ikaw nama’y pinagpapawisan nang malapot. Ayos na sana ang lahat pero mapapansin ni Noni ang iyong pananahimik. Sa iyo malilipat ang atensyon nila. Pagtutulungan nilang hablutin mula sa ‘yo ang unan na mahigpit mong hahawakan. Mabubunyag sa kanila ang tinatago mo. Mas lalakas ang kanilang tawanan. Nakaririndi. Nakaaasar. Nakabuburat. Mapupuno ng tawanan ang buong kabahayan.
2. Int. Bahay niyo. Gabi.
Mag-isa ka lang sa bahay niyo ngayon. Nasa laot at nagingisda ang nanay at tatay mo kasama ang nakababata mong kapatid na lalaki. Ikaw ang nakatoka ngayon sa bahay. Malas mo. Hindi ka makakatulog sa buong magdamag. Maaalala’t maaalala mo ang kuwentong kinatatakutan mong marinig. Mayroon daw bagong saltang manananggal sa baryo. Mga lalaki pa man din ang binibiktima nito. Si Loloy, ang badigard ng mayor, ay bigla na lamang hinarangan ng manananggal noong nagdaang gabi sa masukal na kakahuyan sa may ilog. Mabuti na lamang at napadaan sa naturang lugar ang albularyong si Tandang Milo. Hayun, natakot ang manananggal. Hindi natuloy ang pambibiktima kay Loloy. Pero sanay ka namang mag-isa. Marami namang bugakay1 sa loob ng bahay niyo. Tiyak na matatakot ang aswang. Isa pa, nagsiga ka naman ng balat ng itlog kanina. Takot ang aswang sa amoy niyon. Suwerte mo rin kung tutusuin. Kasi puwede mo nang ituloy ang naunsyami mong balak kanina. Iisipin mo ang nakita mong mga imahe base sa napanood mong pelikula. Maaalala mo ang magasing bold na nakasuksok sa bubungan ng bahay niyo. Kukunin mo iyon dahil makakatulong rin iyon kahit di colored. Pero mamamayani sa ‘yo ang takot kaysa libog. Magsisimula nang mangaluntoy ang iyong alaga. Maaalala mo ang teorya ni Mando na nakakatulong ang pagbabate para maibsan ang takot. Patutunayan mo iyon. Makakatulog ka nga pero magtatalukbong ka ng kumot.
3. Ext. Tabing-dagat. Umaga.
Isa ka sa maraming naghihintay at umaasa na sana’y maraming huling isda ang nanay at tatay mo. Ilang araw na ring kakaunti ang isdang naipapangubra ninyo sa palengke. Lati2 na kasi. Isa-isang magsisidatingan ang mga bangkang walang ibang laman kundi ang baskte na di man lang nangangalahati ang laman at pagod na katawang umaasa sa maruwag na biyayang idudulot ng dagat. Hindi mo pa rin sila natatanaw. Maiinip ka na. Matagal ka nang naiinip. Hindi lamang ngayon. Kasi gusto mo nang lumaki. Gusto mo nang tumanda para magagawa mo na ang gusto mong gawin. Pupunta ka sa Maynila pagka-graduate mo sa hayskul, hindi upang mag-aral kundi upang magtrabaho. Pero magpi-first year ka pa lang sa susunod na pasukan. Hindi ka pa nga tule eh. Bigla mong maaalala na kailangan mo na palang magpatule. Para hindi ka na tutuksuhing puyong ng mga nakatatanda sa ‘yo na nagdaan na sa naturang ritwal. Mapapangiti ka dahil maiisip mong puwede ka na ring manligaw. Matitigil ang iyong pagmumunimuni dahil dadating na ang iyong hinihintay pero maaagaw ang iyong atensyon ng kakaibang tanawin sa may batuhan. Ilang metro mula sa iyong kinatatayuan ay masisilayan mo ang isang nilalang na hindi ordinaryo sa iyong paningin. Isang babae ang tumatampisaw sa tubig. Hahagurin mo siya ng tingin. Maputi siya. Maganda ang hubog ng kanyang katawan. Nakasuot ng maikling salawal. Sisigawan ka ng tatay mo. Tsaka ka pa lang kikilos.
4. Int. Bahay niyo. Tanghali.
Kumakain kayo ng tanghalian. Inihaw at tinolang maliliit na sapsap ang ulam niyo. Nakakamay kayong apat. Pinag-uusapan ng magulang mo ang darating na kasalan sa katapusan ng Abril. Kailangan niyo raw mag-ambag ng isang baboy at tatlong manok. Kailangan niyo ring tumulong sa paggawa ng palaypay3 na pagdadausan ng sayawan at kainan. Mapupunta ang usapan nila sa balitang kumakalat sa buong Pinaglabanan. Tungkol sa manananggal. May nabiktima raw kagabi. Hindi taga-rito. Bakasyonista raw galing Maynila. Mayabang daw kasi ang lalaki, palibhasa’y may baril kaya akala mo kung sino nang umasta. Warak daw ang tiyan nito. Maya-maya ay dadako ang usapan nila kay Maribel. Base sa ikukuwento ng tatay mo, mapagtatanto mo na si Maribel ang nakita mo kanina sa dagat. Hindi mo na maririnig ang iba pa nilang ikukuwento at itsi-tsismis. Pupunta ka sa likod-bahay para umihi. Matatagalang lumabas ang ihi mula sa matigas mong ari.
5. Ext. Likod-Bahay ni Tandang Milo. Hapon.
Kinakabahan ka habang nakaupo sa patay na sanga ng mangga at hinihintay ang paglabas ni Tandang Milo. Pagpapawisan ka dahil sa kaba at takot. Mapapaihi ka ulit. Kanina ka pa ihi nang ihi. Lalabas na mula sa kanyang kubo si Tandang Milo. Higit kang kakabahan nang makita mo ang labahang bitbit niya. Kikislap iyon nang tamaan ng liwanag ng araw na tumatagos sa makapal na dahon ng mangga. Uutusan ka niyang ibaba ang salawal mo. Susunod ka. Mapapangiti siya’t magkokomento sa laki ng iyong alaga pero hindi mababawasan ang kabang nararamdaman mo. Papatingalain ka niya. Wala kang ibang makikita kundi dahon. Ni hindi mo masisilip ang langit. Mapapasigaw ka sa sakit nang hatawin niya ang labaha. Sasama ang iyong pakiramdam. Mahihilo ka pero titibayan mo ang iyong loob. Susulyapan mo ang bagong anyong alaga. Mapapangiti ka pero sandali lang dahil muli ka namang sisigaw nang patuluan niya iyon ng katas ng bayabas. Aalingawngaw ang iyong boses sa tahimik na kapaligiran.
6. Ext. Tindahan ni Manang Fe. Hapon.
Nakaupo ka habang pinapanood mo ang mga binatang naglalaro ng basketbol. Yayayain ka ni Noni na sumali pero iiling ka dahil hindi pa hilom ang sugat mo. Pangatlong araw mo pa lang nagyon pagkatapos kang tuliin. Hindi ka na nila tutuksuhin. Ilang buwan pa at hindi na mapipigilan ang iyong paglaki. Sigurado kang mas tatangkad ka pa sa mga binatang naglalaro. Tatagos ang paningin mo sa mga nagbabasketbol patungo sa taong paparating. Agad mo siyang mamumukhaan. Nakasuot siya ng puting pambaba at puting pantaas na damit na walang manggas. Hindi na siya gaanong kaputian. Titigil sa paglalaro ng basketbol ang mga kalalakihan at bibigyang daan ang dilag na dadaan. Bibilis na naman ang tibok ng iyong dibdib. Mapapalunok ka. Bibili siya ng ice candy at pagdaka’y uupo sa tabi mo. Mapapansin ka niya. Magugulat ka dahil makikilala ka niya. Itatanong niya kung ikaw ba ang anak ni Mang Elisimo. Tatango ka. Hindi mo aakalaing maaalala ka pa niya. Wala ka pang walong taong gulang nang umalis siya sa Pinaglabanan at pumuntang Maynila para mag-aral sa kolehiyo doon pero napabalitang pumasok siya sa isang bar sa Ermita at naging GRO nang namatay ang tatay niya. Magkukuwentuhan kayong dalawa. Maiilang ka. Pagtitinginan kayo ng mga nakatambay sa tindahan, ng mga nagbabasketbol at ng mga dumadaan sa kanto. Hindi mo sila papansinin. Mapapansin ka ni Maribel dahil mapapangiwi ka. Hindi sinasadyang mapapatingin ka sa dibdib niya. May unti-unting mabubuhay sa loob mo. Magpapaalam ka sa kanya. Magtataka siya.
7. Ext. Bangka sa Laot. Madaling Araw.
Tinutulungan mo ang iyong ama sa pagbabatak ng lambat. Isinama ka niya dahil medyo hilom na rin naman ang sugat mo. Sigurado siyang di ka na mabibinat. Habang binabatak niyo ang lambat ay pag-uusapan niyo ang balitang nangyari noong nakaraang gabi. Isang lalaki na naman ang biniktima ng aswang. Taga-ibayo ang lalaki at bisita ng kapitan. Wala kang magiging reaksyon. Magpapatuloy ka sa pagbabatak ng lambat. Pabulong na sasabihin sa ‘yo ng tatay mo na alam na ng buong Pinaglabanan kung sino ang aswang. Maririnig mo na naman ang kuwentong matagal nang pinag-uusapan ng lahat. Tungkol sa pamilya nina Maribel. Mapapailing ka sa sapantaha ng nakakarami na si Maribel ang bagong langgaw4. Maaalala mo ang nangyari sa ‘yo noong isang linggo matapos kayong magkausap at magkakilala ni Maribel. Sumakit nang matindi ang tiyan mo. Nausog ka raw ni Maribel sabi ng albularyong tumingin sa ‘yo. Nawala lang ang kirot nang hipuan ka ng itlog sa tiyan at inusalan ng salitang di mo naintindihan. Naniniwala ka sa usog pero di ka naniniwalang aswang si Maribel.
8. Ext. Dagat. Araw.
Naliligo ka kasama sina Noni at Antoy. Kailangan mong maligo sa dagat para bumilis ang paggaling ng iyong sugat. Halos araw-araw mo nang ginagawa ito. Sa tuwing sumasama ka sa tatay mo sa laot ay nagpapaiwan ka sandali sa dagat para sa isa pang dahilan bukod sa pagpapagaling. Upang matiyempuhan mo si Maribel. Napansin mo kasing madalas siyang maligo sa dagat. Matitiyempuhan mo nga siya ngayon pero may dalawa kang kasamang asungot. Ibinalita mo pa kasi ang nasaksihan mo minsan. Na nakita mong papunta sa bahaging ito ng dagat si Maribel. Ito ang bahaging kinatatakutang puntahan ng mga tao dahil sa kuwentong naiuugnay sa lugar na ito. May sirena daw na nagpapakita ditto. Pero ngayon, di kayo natatakot. Nagtatago kayo sa likod ng batuhan at naghihintay para sa isang palabas. Makikita niyong patungo sa inyong kinaroroonan si Maribel. Magtatago kayong maigi. Huhubarin ni Maribel ang suot niyang damit at matatambad sa inyong tatlo ang malaki nitong dibdib na natatakpan lamang ng manipis na bra. Pagkatapos ay isusunod nitong hubarin ang suot na pang-ibaba at sabay kayong mapapanganga. Papatungo sa malalim na bahagi ng dagat si Maribel. Hindi niya kayo mapapansin. Lulubog-aahon siya sa tubig. May pilyong maiisip sina Noni at Antoy pero di mo puwedeng gawin iyon kahit halos dalawang linggo ka ng tigang. Tsaka na, kapag tuluyan nang gumaling ang sugat.
9. Int. Bahay Niyo. Hapon.
Naglalanggas ka ng iyong sugat. Mapapansin mong hilom na ito pero lilinisin mo pa rin dahil segurista ka. May mapapansin kang kakaiba sa hitsura ng iyong pagkalalaki. Mapapangiti ka at makakadama ng pagmamalaki sa nakita mong pagbabago sa katawan mo. Puwede mo nang ituring ang sarili mo na isang binata dahil naniniwala ka sa sinabi ng titser mo sa science and health na kapag tinubuan na ng balahibo ang maselang bahagi ng iyong katawan ay binata ka na. Kung gayon ay maaari ka nang manligaw. Matataranta ka dahil may mauulinigan kang ingay mula sa di kalayuan. Dagli mong babatakin pataas ang iyong salawal at dudungaw ka sa may bintana upang alamin ang sanhi ng ingay. Makikita mo ang nagkukumpulang tao sa may kalsada. Makikita mo rin ang isang owner na may sakay na mga pulis. Hindi mo maaaninag kung ilan sila dahil halos isang daan metro ang layo ng bahay niyo sa kalsada. Sasagi sa isipan mo ang balita tungkol sa aswang. Hinahanting na siguro ng mga pulis ang aswang.
10. Ext. Daan. Gabi
Naglalakad kayo ng iyong ama patungong aplaya. Maliwanag ang buwan kaya’t di na kayo nagdala ng sulo o aladin5. Pareho kayong may sukbit na gulok sa inyong tagiliran. May makakasalubong kayong tao. Magmamagandang gabi ang tatay mo. Sasagot ang tao. Makakaramdam ka ng takot dahil aakalain mong aswang ang nakasalubong niyo. Hahawakan mo nang mahigpit ang gulok upang maging handa sa anumang puwedeng mangyari. Sabi ng nanay mo, mabilis daw magbagong anyo ang mga aswang. Puwede raw silang maging baboy, pusa o aso. Malimit din daw silang nambibiktima kapag may buwan at malakas ang kanilang kapangyarihan kapag Mayo. Bibilis ang hakbang ng tatay mo, bibilis rin ang hakbang mo. May maririnig kang huni ng ibon, pero kakaiba ang huni niyon. Tila malapit lang sa inyo ang pinagmumulan niyon. Magbabanta ang tatay mo na kilala niya kung sino man ang nananakot sa kanila. Titigil ang paghuni.
11. Ext. Kasalan. Gabi.
Kasal nagyon ng pinsan mo. Maraming tao sa bahay ng babaeng ikakasal. Habang gumagabi ay lalong dumarami ang mga tao. Parami nang parami ang umuupo sa upuang yari sa kawayan sa palibot ng palaypay na sadyang ginawa para sa mga dalagang makikipagsayaw. Walang humpay ang pagtugtog ng stereo na nirenta pa sa bayan ng pamilya ng lalaking ikakasal. Makikita mo sa nakaupo si Maribel. Kakaiba ang suot niya sa mga dalagang naroroon. Nakapalda siyang maikli at halos kita na ang ukab ng kanyang dibdib sa suot na damit. Maririnig mo ang bulungan ng katabi mo. Pinipintasan nila si Maribel.
11. A. Kasalan. Medyo Malalim na ang Gabi.
Patuloy pa rin sa sayawan ang mga dalaga at binata pati na rin ang mga may asawa. Isa-isa nang magsisialisan ang mga tao dahil tapos na ang presentasyon ng magkaparehang ikakasal bukas. Magpapaalam na rin ang tatay at nanay mo na mauuna na silang umuwi. Magpapaiwan ka. Yayayain ka nina Noni at Antoy para sumayaw. Para isayaw si Maribel. Aayaw ka dahil tatablan ka ng hiya. Maya-maya ay bubulungan ka ni Noni na sumama sa kanila dahil mayroon silang plano. Sasama ka sa kanila. Kasama niyo si Maribel.
12. Int. Abandonadong Kubo. Madaling Araw.
Humihingal sa pagod ang dalawa mong barkada pagkatapos nilang maiakyat sa kubo at maihiga sa papag si Maribel. Tatawa si Maribel habang sinisimulan siyang hubaran ng damit ni Noni. Lasing na si Maribel, sigurado ka dahil napansin mo kanina na madalas siyang tagayan ng tuba ng mga kalalakihan sa sayawan. Bibilis ang tibok ng dibdib mo nang makita mong kumubabaw si Noni sa kanya. Uuga ang kubo. Uuga pa ulit ito. Ikaw na raw, sasabihin nila sa ‘yo. Pabaling-baling ang ulo ni Maribel sa hinihigaang papag. Bubuksan mo na sana ang butones ng iyong pantalon pero titigil ka dahil may maririnig kang kaluskos sa labas ng kubo. Mula sa siwang sa dingding ay sisilipin nina Noni kung ano ang narinig niyo. Makikisilip ka na rin. Mapapanganga ka sa iyong masisilayan. Kabilugan ng buwan kaya’t kitang-kita niyo ang nangyayari. Isang lalaki ang kinakaladkad ng dalawang tao. Hihinto sila at itutulak ang lalaking kinakaladkad. Masusubsob sa lupa ang lalaki at uungol. Huhugutin ng isang tao ang gulok sa kanyang tagiliran. Sa liwanag ng buwan ay kikislap ang talim niyon. Manghihilakbot ka sa takot nang itarak ng tao ang gulok sa tiyan ng lalaki. Isa. Dalawa. Tatlo.
13. Int. Bahay Niyo. Umaga.
Tanghali ka nang magigising ngayong araw na ito. Pagagalitan ka ng nanay mo dahil alas-diyes na ay nasa higaan ka pa rin. Hindi ka titinag. Dadating ang iyong kapatid at hinihingal. May ibabalita ito sa nanay mo. Tatakpan mo ang iyong tainga at pipiliting makatulog ulit. Subalit hindi ka na dadalawin ng antok. Imumulat mo ang iyong mga mata at masisilaw ka sa sinag na tumatagos sa bubong ng bahay niyo.
Currently listening to: Rest of my Life